MENU

 

Quezon City, Philippines—Puspusan ang paghahanda ng Department of Transportation-Land Transportation Office (DOTr-LTO) upang panatilihing ligtas ang mga lansangan sa darating na Undas.

Ito ang pahayag ni LTO Assistant Secretary Edgar C. Galvante kamakailan.

Ayon sa LTO Chief, “Lahat ng sangay ng LTO sa buong bansa ay may mga hakbang na isinasagawa bilang paghahanda para masigurong ligtas ang mga motorista at mananakay sa darating na Undas.

Sinabi niya na bahagi ang paghahanda sa ipinatutupad na taunang programa ng Department of Transportation (DOTr), sa pangunguna ni DOTr Secretary Arthur P. Tugade—ang Oplan Biyaheng Ayos: Undas,

“Nais namin sa LTO na siguruhing plantsado na ang lahat bago pa man ilunsad ang Oplan Biyaheng Ayos: Undas sa buong bansa sa Martes, ika-22 ng Oktubre 2019. Kaya nga ba, nag-umpisa kami ng mas maaga kaysa sa itinakdang petsa para sa paglulunsad.

Aniya, “Marami sa ating mga kababayan ang magtutungo sa kani-kanilang mga probinsya at sa mga sementeryo upang dalawin ang puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay o para magbakasyon ngayong Undas. Nagkataon ding long weekend. Nararapat lamang na tiyakin na makakarating sila sa kanilang patutunguhan ng ligtas, komportable at walang aberya sa lansangan.”

Isa sa mga paghahanda ay ang pinaigting na motor vehicle road worthiness inspection o ang pagtiyak na nararapat bumiyahe ang isang sasakyan sa kalsada, lalo na ang mga pampublikong transportasyon tulad ng mga bus at jitney.

“Ito ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa LTO—gawing puspusan ang pag-iinspeksyon sa mga sasakyan para masiguro ang kaligtasan.

Ayon kay Galvante, patuloy ang pag-iinspeksyon sa mga garahe o terminal ng mga bus ng mga LTO law enforcement units ng iba’t ibang Regional at District Offices.

“Ginagawa ng LTO teams ang pag-iinspeksyon sa mga terminal o garahe upang hindi na makaabala pa sa mga mananakay,” banggit ni Galvante.

Paglilinaw ng LTO Assistant Secretary, kapag pasado sa inspeksyon, hinahayaang makapasada ang mga sasakyan. Hindi naman pinapayagang bumiyahe kapag bagsak. Sa halip, inaabisuhang kumpunihin o palitan ang mga sirang bahagi kung maaari pa. “Kung hindi na, hanggang garahe lamang ang mga ito,” pagdidiin ni Galvante.

Nagpakalat din ng mga LTO law enforcement teams upang mag-inspection ng mga sasakyan sa kalsada o ang tinaguriang random vehicle road worthiness inspection.

Inumpisahan na rin magsagawa ng mga road safety seminars para sa mga drayber at konduktor upang madagdagan ang kanilang kaalaman sa pagmamaneho sa daan, at upang maging responsableng driver.

Namimigay ng mga brochures at flyers ang LTO upang paalalahanan ang mga motorista ukol sa iba’t ibang batas at alintuntunin sa lansangan.

Nagbibigay din ng seminar sa iba’t ibang partner law enforcement agencies gaya ng PNP-Highway Patrol Group, kapulisan at iba pang deputized agents nito.

Bukod pa dito, sa linggo ng Oplan, magkakaroon ng random drug testing para sa mga drayber at konduktor bago umalis ng terminal. Ito ay upang matiyak na walang bahid ng droga ang mga ito habang nagmamaneho.

“Bago mag-drug test, kailangang i-surrender ng tsuper ang kaniyang lisensya. Kapag nag-positibo sa drug test, agad na kukumpiskahin ang lisensya niya upang hindi na makapag-drive sa pagkakataong iyon. Dapat muna siyang sumailalim sa confirmatory test,” paglilinaw ni Galvante.

Dagdag pa niya, “Kung negative sa confirmatory test, isasauli din ang lisensya ng driver upang makapagmaneho. Pero kung nag-positive sa nasabing drug test, mananatiling kumpiskado ang kanyang lisensya. Hindi papayagang magmaneho ang driver hangga’t hindi napapatunayan na wala nang bahid ng droga sa sistema ng kanyang katawan.”

Magtatalaga din ng mga LTO enforcers para sa Oplan Isnabero, na layong tutukan ang mga abusadong tsuper ng taxi at iba pang pampublikong sasakyan na namimili ng mga pasahero sa mga bus terminals.

Wika ni Galvante, “Nananawagan kami, lalo na sa mga pasahero at motorista na maging mapagpasensya sa mga inspeksyon. Ginagawa ito ng LTO upang makatiyak na ligtas ang inyong biyahe.”